Saturday, October 3, 2009

Ondoy victims pinalalayas sa evacuation center

Maayos sanang maikukunsidera ang kalagayan ng mga evacuees sa dalawang evacuation area sa isang barangay sa Quezon City, subalit tila nanganganib muli ang kanilang lagay ngayong may banta ang bagyong Pepeng dahil sa umano’y planong pagpapalayas sa kanila sa mga lugar na nagsisilbing nilang pansamantalang tirahan.

Unang nakausap ng may-akda sina Patrosino Espenilla, 46 at Ruby Jimenez na nasa Silangan National High school at umaming sapat ang mga relief goods na tinatanggap mula sa non-government organizations (NGOs) gayundin ng Social Services Development Department (SSDD).

“Maganda ang relief goods na ibinibigay nila sa amin walang bulok, walang expired pero ang ikinalulungkot namin ay ang pagpapaalis nila sa amin, hindi namin alam kung saan kami pupunta dahil na-wash-out talaga ang bahay namin. Sana maawa sila kanina nga isinara na nila ‘yung banyo dahil papaalisin na nga raw kami,” sumbong ni Jimenez.

Pero ayon kay Robert Sales, maintenance ng eskuwelahan, case-to-case basis diumano ang kanilang pagpapaalis sa mga evacuees.

“’Yung wala talagang mapuntahan ay hindi papaalisin at saka ‘yung kubeta pansamantala lang isinara at ngayon naman ay bukas na,” salag ni Sales.
Sinadya rin ng TONITE ang covered court ng Barangay Silangan at dito nakapanayam sina Neneth Bagona, Edgar Asesor at nagsabing sapat rin ang relief goods, may mga gamot at doktor na naroroon upang tignan ang kanilang mga kalagayan.

Binanggit din nina Jimenez, Bagona at Asesor ang planong pagpapaalis sa kanila sa covered court na kanilang pinangangambahan, lalo na ngayong may panibagong bagyo, ngunit mariin itong itinanggi ni Bgy. Chairman Armando Endaya, gayundin ang iba pang paratang ng mga evacuees.

source: abante-tonite.com